Kapag kasal ang magulang, nasanay tayo na apelyido ng tatay ang dapat gamitin ng bata.
Ngunit alam niyo ba na maaaring gamitin ng bata ang apelyido ng ina kahit kasal ang magulang?
Ayon sa Korte Suprema sa kasong Alanis III vs CA , sinasabi ng ating batas na hindi lamang ang apelyido ng ama ang puwedeng gamitin ng lehitimong anak.
Nakasaad sa Article 364 ng Civil Code ng Pilipinas na:
“ARTICLE 364. Legitimate and legitimated children shall principally use the surname of the father.”
Nilinaw ng Korte Suprema na ang salitang, “principally” ay nangangahulugang ang pangunahing gagamiting apelyido ay apelyido ng ama. Ngunit, hindi sinabi ng batas na ang maaari lamang gamitin ay ang apelyido ng ama. Ang salitang “principally” ay hindi “exclusively”, kaya maaaring mamili ang bata at magulang kung gagamitin ang apelyido ng ama o ina.
Kaya maaaring gamitin ng bata ang apelyido ng nanay o tatay. Maaari ring papalitan ng bata ang kanyang apelyido mula sa apelyido ng ama at gamitin ang apelyido ng ina sa pamamagitan ng tamang petisyon sa korte.
Kaya, kung kasal ang magulang:
Ang bata ay maaaring gamitin ang apelyido ng AMA o INA. Kapag nakarehistro na ang Birth Certificate, maaaring magpetisyon sa korte para palitan ito.
Sa nabanggit na kaso, ninais ng petitioner na palitan ang first name at last name niya na nakarehistro sa PSA. Kung saan ang kanyang last name na gamit niya mula pagkabata ay apelyido ng kanyang ina dahil iniwan sila ng kanilang ama. Pinanigan siya ng Korte Suprema at sinabing maaaring palitan ang apelyido dahil walang batas ang nagbabawal na gamitin ng bata ang apelyido ng ina.
Leave a Reply